Thursday, October 18, 2018

Alamat ng Mindanao


Alamat ng Mindanao


Mayroon isang sultan sa isang pulo na kilala hindi lamang dahil siya ay isang dugong
bughaw, kundi dahil rin sa kanyang katangian.


Di lamang siya mayaman, si Sultan Gutang ay matapang, magandang lalaki at may matipunong pangangatawan. Mayroon siyang natatanging anak na may nakakaakit na kagandahan. Saan ka man maparoon, usap-usapan ang kagandahang niyang taglay. Prinsesa Minda ang ngalan niya.

Dahil sa tanyag na kagandahan ni Minda, maraming tagahanga ito saan dako ng karatig pook. Marami ang nanliligaw: mga mayayaman, matalino, at may dugo ring maharlika. Dahil nga sa dami ng masugid na tagahanga nito, walang tulak siyangkabigin. Kaya minarapat ni Sultan Gutang na magkaroon ng isang pagsubok upang malaman kung sino ang higit na mapalad at karapat-dapat sa kanyang anak na si Prinsesa Minda.

Nangyari nga ang ibig ng sultan. Marami ang sumubok sa layuning makuha ang kamay ni Minda. Halos lahat ng sumubok at nagwagi sa una at ikalawang pagsubok, ngunit nabigo sa ikatlo. Ngunit may isang prinsipe ang nagaasm-asam na sumubok sa mga patakaran ng nasabing sultan. Ngunit, bago siya sumali sa palahok, matinding pag-iisip ang kanyang ginugol.

Dahil sa una ay sigurado siyang magtatagumpay, ang ikalawa ay sigurado siyang mabibigo. Kaya’t muling nag-iisip . Napagpasyahan niyang humiram ng mga kaing-kaing na ang mga ginto mula sa kanyang mga kaibigang mayayaman at prinsipe upang makabuo ng labintatlong tiklis ng ginto. Dahil ang ikalawang pagsubok ay kung paano mahihigitan ang kayamanan ng sultan.

Lalong nabuhayan ng loob ang prinsipe sa mga pagkakataon na kapag nagkakatinginan sila ng prinsesa ay para na rin siyang humahanga sa kanya. Dahil di kaila ang kagandahang lalaki ng prinsipe at kakisigan. Nabatid ng prinsipe na may pagtingin din ang prinsesa.

Sinimulan sa ang unang pagsubok kay Prinsipe Lanao sa pagsasalaysay niya sa kanyang mga ninuno mula sa umpisa hanggang sa sampung henerasyon. Higit ang tuwa niya ng makapasa sa unang pagsubok sa dahilang hindi totoo ang ika-sampung henerasyon dahil ito ay may halong imbento lamang.

Agad sumunod ang ikalawang pagsubok. Tinanong ng sultan kung gaano karami ang kanyang dalang ginto. Agad siyang sumagot na labintatlong kaing. Walang duda ang tagumpay ni Prinsipe Lanao sa ikalawang pagsubok dahil may pito lamang tiklis nag into mayroon ang sultan.

Ang huling pagsubok ay agad din pinabatid sa Prinsipe kung ano ang dapat na sumunod niyang gagawin para ganap nang mapasakamay ang mayuming si Prinsesa Minda. Pagtulay sa lubid ang ikatlong pagsubok. Pagtulay sa lubid na kapag ikaw ay nahulog sa isang malalim na bangin ay sigurado ang iyong kamatayan .

Pinagpabukas pa ang huling pagsubok upang makapagpahinga ang binata. Subali’t lingid sa kaalaman ng binata na kaya pala ipinagpabukas pa ay upang mapaghandaan din ng Sultan ang gagawing patibong upang ang prinsipe ay hindi magtagumpay. Kaagad na lumisan si Prinsipe Lanao upang makapagpahinga at mapag-aralan ang kanyang plano para sa darating na pagsubok kinabukasan.

Subali’t si Prinsesa Minda ay may nabalitaan na may patibong na ilalagay ang mga tauhan ng sultan upang mahulog ang prinsipe. Agad na pinasiyasat ni Prinsesa Minda kung ano ang ilalagay na patibong. Napag-alaman ng katulong na kakabitan ng tali ang lubid na tatawiran ng pinsipe na siyang magiging dahilan ng pag-uga ng lubid na magiging dahilan ng pagkahulog ng prinsipe.

Dahil sa nabatid na patibong, kaagad na tinanggal ng mga katulong ang patibong upang walang maging balakid sa pagtawid ng butihing prinsipe. Pagdating kinaumagahan ay naganap ang pagsubok na siya namang pinagtagumpayan ng Prinsipe. Walang nagawa ang Sultan kundi tuparin ang pangakong kasalan.

Nang mamana ng Prinsipe, ang pamamahala ng lugar, marami ang nasiyahan sa pamamalakad ng mag-asawa sa pulo at mula noon pinangalanan ang isla ng Mindanao na hango sa pangalang Minda at Lanao.

Wednesday, October 17, 2018

Balagtasan - Sipag o Talino






LAKANDIWA:

Ako itong lakandiwang nagbuhat pa sa Bulacan.
Buong galang na sa inyo’y bumabati’t nagpupugay.
Taglay ko din ang pag-asang, naway maging matagumpay.
Patimpalak sa bigkasang, kung tawagi’y balagtasan.
Paksang aking ilalatag, pakiwari’y mahalaga.
Pagkat nasasangkot dito’y bayan nating sinisinta.

Sa pag-unlad nitong bayan, puhunan ay ano baga,
Ang SIPAG ba o TALINO, alin ang mas mahalaga?
Kaya’t inyong lakandiwa ay muling nag-aanyaya
ng dalawang mambibigkas na mahusa’y at kilala.
Ang hiling ko’y, salubungin ng palakpak ang dalawa.
Panig nilang ihaharap ay suriin at magpasya.

SIPAG:
Kapag baya’y umunlad. Ang pagko’y pinupukol.
Sa gobyerno at mga tao, sama-sama’t tulong-tulong.
Kung ang lahat ay tinatamad, bayan nati’y ano ngayon?
Wala na ngang pagbabago. Kabuhaya’y urong-sulong.
Kasipaga’y puhunan nating lahat sa gawain,
Maliit man o malaki, mahirap man ang gampanin.
Kung ang ating kasipagan, itatabi’t magmamaliw.
Maunlad na Pilipinas, di natin masasalapi.


TALINO:
Akong aba’y inyong lingkod, isinilang na mahirap,
at ni walang kayamanan, maaaring mailantad.
Pamana ng magulang ko ay talinong hinahangad,
Pamanang magtatanghal, puhunan sa pag-unlad.
Sa gobyerno at lipunan, mga tao’y may puhunan
Na kanilang tataglayin, habang sila’y nabubuhay.
Ang talino’y nagbubuklod, sa pambansang kalayaan,
Nagbibigkis sa damdamin, makayao’t makabayan.

LAKANDIWA:
Matapos maipahayag ang panig ng magtatalo,
Ngayo’y aming ihahanda, tayog ng inyong talino
Bawat isa’y papalaot sa napapanahong isyu
Kaya’t inyong timbangin upang inyong mapagsino.

SIPAG:
Sa tuwing may magaganap na halalan sa’ting bayan,
Sinusuring kandidata, may nagawang kabutihan,
Kung anong kursong natapos ay hindi na inaalam.
Kakayahan n’ya at sipag, tanging pinag-uusapan,
Aanhin mo ang talino kung di naman nagagamit,
Mga tao’y umaasa, lalo’t sila’y nagigipit.
Matalinong naturingan, tamad naman walang bait.
Kawawa lang itong bansa, mga luha ang kapalit.

TALINO:
Nalimutan ng kantalo, mga bayaning namatay,
Na nagtanggol sa ‘ting bayan , ng laya ay makamtan.
Kung di dahil sa talino, taglay nila nung araw,
Hanggang ngayon, tayong lahat, alipin pa ng dayuhan.
Mga naging presidente o senador at kongresman.
Lahat sila ang talino ay di natin matawaran.
Mga batas na ginawa’t pinatupad sa ‘ting bayan,
pinuhunan ay talino , kaya’t sila’y naging gabay.

SIPAG:
Sa dami ng matalino, namumumuno sa ating bansa,
Ibat-ibang pagpapasya at maging paniniwala.
Utos ditto, utos doon, sila’y di gumagawa,
kaya’t laging nababalang kapakanan naming dukha.
Samantalang kung masipag itong mga punong halal,
Sa problema’t kalamidad, sila’y laging naririyan,
Hindi na kailangang tawagin sila kung saan,
Sapagkat pagtulong nila ay kambal ng kasipagan.

TALINO:
Tila yata nalimutan nitong aking katunggali,
Sa pagtulong ay talino ang gamit palagi,
Pag mayroong kalamidad, manloloko’y nariyan lagi,
Kaya’t anong mahalaga, Talino’y ipagbunyi.
Matataas na gusali, Super market, public mall,
Fly overs, sky ways, at ibat-ibang komunikasyon.
Lahat ng yan ay nagawa, talino ang naging puhon,
Kaya’t bayan ay umunlad, ang biyaya’y tuloy-tuloy.

SIPAG:
Sipag ang kailangan!

TALINO:
Talino ang puhunan!

SIPAG:
Matalino nga, tamad naman!

TALINO:
Ang taong tamad ginagamit ang talino para sumipag.

SIPAG:
Sipag!

TALINO:
Talino!

LAKANDIWA:
Saglit munang pinipigil, inyo itong lakandiwa.
Pagtatalo nitong dalwang mahuhusay na makata,
Pagkat tila nag-iinit, at kapwa di masawata.
Inilahad na katwiran, nakatatak sa ating diwa,
Ang talino ay biyaya’t kayamanang handog ng Dyos,
Lagi nating nagagamit, sa mabubuting gawa’t loob.
Kasipagan at talino, pagsamahing walang toos,

Kaya’t dapat ng magsanib, pag-isahing lubos-lubos.
Ang talino’y siyang utak sa balangkas ng paggawa.
Ang sipag nama’y s’yang bisig sa planong binabadya.
Kung ang isa’y mawawala, walang silbing magagawa.
Kaya’t kapwa mahalaga.
Panalo silang kapwa.